Inanunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na itinaas na sa Strategic Partnership ang ugnayan ng Pilipinas at Canada kasunod ng kanyang pakikipagpulong kay Canadian Prime Minister Mark Carney sa British Columbia.
Ayon kay Pang. Marcos, tinalakay nila ni Carney ang patuloy na pag-unlad ng bilateral relations at mga hakbang upang mapanatili ang matatag na kooperasyon ng dalawang bansa.
Nagkaroon din ng pinalawak na bilateral meeting kasama ang kani-kanilang delegasyon.
Inatasan din ng dalawang lider ang kanilang mga foreign minister na bumuo ng plan of action upang isulong ang mga pinagkasunduang hakbang sa pagharap sa nagbabagong pandaigdigang kalagayan, mga magkatuwang na hamon, at pagpapalakas ng isang future-ready partnership.
Binigyang-diin din ni Pang. Marcos na mahalagang pundasyon ng lumalakas na ugnayan ng Pilipinas at Canada ang matatag na kooperasyon sa larangan ng depensa at seguridad.
Napagkasunduan nina Pang. Marcos at Canadian Prime Minister Mark Carney na pabilisin ang negosasyon para sa Canada–Philippines Free Trade Agreement at palakasin ang ugnayan sa clean energy, disaster resilience, at food security.
Sa usaping panseguridad, muling iginiit ng Canada at Pilipinas ang kanilang suporta sa isang malaya at bukas na Indo-Pacific, paggalang sa international law, at sa 2016 arbitral ruling sa West Philippine Sea.
Nilagdaan din ng dalawang bansa ang mga kasunduan sa turismo, kultura, paggawa at migrasyon upang higit pang mapalakas ang ugnayan ng mahigit isang milyong Filipino-Canadian at ng dalawang bansa.










