Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, ibinahagi ni Vladelyte Valdez, Bombo International News Correspondent sa France, ang patuloy na paglala ng pagbaha sa ilang bahagi ng nasabing bansa.

Ayon kay Valdez, nagsimulang tumaas ang lebel ng Loire River pagsapit ng huling bahagi ng Enero. Dahil sa patuloy na pag-ulan at sa hindi maayos na pagdaloy ng tubig, naiipon lamang ito at lalo pang nagpapataas sa antas ng baha. Kapag mataas na ang ilog, hindi na makadaloy palabas ang tubig-baha—kaya’t kumakalat ito sa mga kalapit na komunidad at maging sa mga kabahayan.

Kabilang sa mga lugar na nasa red alert dahil sa panganib ng pagbaha ang Maine-et-Loire, Charente-Maritime, Gironde, at Lot-et-Garonne. Dahil dito, maraming kalsada ang hindi madaanan at apektado ang transportasyon.

--Ads--

Hindi lamang mga tahanan ang tinamaan ng sakuna. Malaking dagok din ang naranasan ng sektor ng agrikultura matapos malubog ang mga sakahan, na nagresulta sa kakulangan ng ilang produktong agrikultural. Sa pinakahuling ulat, tatlo na ang nasawi at libo-libo ang nawalan ng kuryente.

Dagdag ni Valdez, nananatiling pabagu-bago ang panahon—salitan ang malalakas na pag-ulan at panandaliang paghinto nito—ngunit hindi pa rin bumababa ang tubig sa ilog, dahilan upang manatiling nakaamba ang panganib.