Dagupan City – Isinasagawa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Pangasinan ang malawakang tree transplanting bilang bahagi ng patuloy na Capitol Complex Redevelopment Project sa Lingayen.
Layunin ng proyekto na pagsabayin ang modernisasyon ng sentro ng pamahalaan at pangangalaga sa kalikasan sa pamamagitan ng pagpapalit ng mga invasive tree species ng mga katutubong puno na mas angkop sa lokal na kapaligiran.
Kabilang sa mga punong pinapalitan ang mahogany, na ayon sa mga eksperto ay maaaring makaapekto sa biodiversity at natural na kondisyon ng lupa.
Bilang kapalit, itinatanim ang mga native tree species tulad ng Dita, habang nakatakda ring magtanim ng Palawan Cherry, Banaba, Bani, at Philippine Sakura upang makatulong sa pagpapanumbalik ng mas malusog na ecosystem at mapanatili ang balanseng kalikasan sa Capitol Complex.
Kasama rin sa redevelopment project ang paglikha ng mas maraming green spaces na maaaring pagdausan ng pamamasyal, pahingahan, at picnic ng mga pamilya at turista.
Bukod dito, isinasagawa rin ang pagpapaganda ng mga kalsada, pagpapahusay ng drainage system upang mabawasan ang pagbaha, at mga hakbang para sa mas maayos na daloy ng trapiko at mas ligtas na paglalakbay ng mga motorista at pedestrian.
Inaasahan ding makatutulong ang proyekto sa pagpapalakas ng turismo at pagpapabilis ng paghahatid ng mga serbisyo publiko sa mga Pangasinense.
Hindi lamang sa Capitol Complex nakatuon ang pangangalaga sa kalikasan ng pamahalaang panlalawigan.
Sa ilalim ng Green Canopy Program na pinangungunahan ni Governor Ramon V. Guico III, mahigit 700,000 punla ng iba’t ibang uri ng puno ang naitanim na sa iba’t ibang bayan ng Pangasinan bilang pangmatagalang hakbang laban sa epekto ng climate change.
Patuloy ring mino-monitor ng Office of the Provincial Agriculturist (OPAG) ang mga naitanim na punla upang matiyak ang kanilang kaligtasan at maayos na paglago.
Sa pamamagitan ng pagsasabay ng pagpapaunlad ng imprastraktura at pangangalaga sa kapaligiran, patuloy na isinusulong ng Pamahalaang Panlalawigan ng Pangasinan ang isang mas moderno, mas luntian, mas ligtas, at mas progresibong lalawigan para sa kapakinabangan ng bawat Pangasinense.










