Nanawagan ang Teachers’ Dignity Coalition (TDC) para sa pagpapatibay ng seguridad at student support systems sa mga paaralan matapos ang nakababahalang insidente sa Tacloban na kinasangkutan ng karahasan sa loob ng isang eskwelahan.

Ayon kay TDC Secretary General Jim Lester Beleno, hindi dapat magkaroon ng puwang para sa karahasan, pambubulas, at iba pang krimen sa loob ng mga paaralan na itinuturing na ligtas na espasyo para sa mga mag-aaral, guro, at iba pang kawani.

Binanggit niya na maraming pampublikong paaralan, lalo na sa mga lalawigan, ang kulang sa security personnel at iba pang kinakailangang kagamitan para sa pagpapatupad ng safety protocols. Sa ilang paaralan, barangay tanod at mga boluntaryong magulang lamang ang tumutulong sa pagbabantay.

--Ads--

Dahil dito, nanawagan ang grupo sa Department of Education (DepEd) na magdagdag ng mga well-trained at well-equipped na security guards upang mas maprotektahan ang mga mag-aaral at kawani ng paaralan.

Bagama’t may mga mungkahing maglagay ng metal detectors at iba pang seguridad sa mga paaralan, sinabi ni Beleno na hindi sapat ang mga ito upang ganap na matugunan ang problema.

Aniya, ang mga ganitong hakbang ay “reactive measures” lamang at hindi nito natutugunan ang mas malalim na ugat ng karahasan sa kabataan.

Ayon pa kay Beleno, maaaring may kaugnayan ang mga insidente ng karahasan sa mga karanasan ng mga mag-aaral sa bullying, maging sa loob ng paaralan o sa kanilang tahanan at komunidad.

Hinimok niya ang mga magulang na maging mapagmatyag sa mga posibleng senyales ng bullying at agad makipag-ugnayan sa mga guro at guidance counselors upang maagapan ang mga suliranin bago pa lumala.