Naglabas ng abiso ang Department of Trade and Industry o DTI Pangasinan kaugnay ng pagbili ng mga produkto sa online shopping platforms.
Ayon kay Natalia Dalaten, Provincial Director ng DTI Pangasinan, may mga online seller na nagpapakita ng kanilang license to operate sa internet. Gayunman, sinabi ni Dalaten na may mga pagkakataong expired na ang mga ipinapakitang lisensya.
Dagdag pa ni Dalaten, mahalagang suriin kung sino ang awtorisadong lumagda sa naturang permit dahil may mga dokumentong ipinapakita online na hindi pirmado ng tamang opisyal.
Batay sa datos ng DTI, ang license to operate ay may bisa ng limang taon. May mga negosyante umano na hindi na nagre-renew ng kanilang permit matapos itong mag-expire ngunit patuloy pa ring ipinapaskil ang nasabing lisensya sa online platforms.
Patuloy ang monitoring ng DTI Pangasinan sa mga online seller sa lalawigan upang matiyak ang pagsunod sa mga umiiral na patakaran kaugnay ng online selling.










