Hindi nagpapahuli ang Sri Lanka sa pagdiriwang ng Valentine’s Day, subalit kakaiba at mas payak ang paraan ng selebrasyon ng mga mamamayan dito kung ihahambing sa ibang bansa.
Ayon kay Priscilla Rollo Wijesooriya Bombo International News Correspondent in Sri Lanka, ang Araw ng mga Puso ay hindi lamang ipinagdiriwang tuwing ika-14 ng Pebrero.
Para sa kanila, kung ang isang tao ay maalaga at mapagmahal araw-araw, araw-araw na rin ay Valentine’s Day.
Dahil dito, hindi rin uso ang labis na paggastos sa mamahaling bulaklak at regalo.
Mas binibigyang-halaga ang pagsasama-sama ng pamilya, sabayang pagkain, at pananalangin sa simbahan.
May handa man o wala, naniniwala ang marami na ang tunay na diwa ng Valentine’s Day ay ang pagmamahalang araw-araw na isinasabuhay.
Gayunman, kapansin-pansin pa rin ang pagdami ng mga produktong pang-Valentine’s Day sa mga tindahan, lalo na ang mga simpleng regalo.
Mahigpit din ang kultura sa pagbibigay ng tamang gabay sa mga kabataan.
Hindi sila basta-bastang pinapayagang gumamit ng cellphone at maaari lamang itong hawakan kung may patnubay ng magulang.
Ang panliligaw ay napakahigpit din kinakailangang ipaalam muna sa mga magulang bago magsimula ang anumang relasyon.
Sa karamihan ng mga pamilya sa Sri Lanka, ang ama pa rin ang pangunahing nasusunod sa mga desisyon sa tahanan.
Karamihan sa mga ina ay nananatili naman sa bahay at sila ang pangunahing nag-aalaga sa pamilya at tahanan.
Sa kabila ng makabagong panahon, nananatiling matatag ang paniniwala ng mga Sri Lankan na ang pagmamahal ay hindi nasusukat sa bigat o halaga ng regalo.
Sa halip, ito ay nasasalamin sa pag-unawa, respeto sa isa’t isa, at hangaring magsama ng panghabangbuhay.










