Dagupan City – Pinadali ng Social Security System (SSS) ang pagpaparehistro ng mga nais maging miyembro sa pamamagitan ng My.SSS online portal dahil hindi na agad kinakailangang magsumite ng birth certificate sa unang yugto ng registration.
Ayon kay SSS Acting Vice President for Luzon Operations Vilma Agapito, sapat na munang makapagrehistro ang aplikante, bagamat mas mainam kung maipapasa rin ang birth certificate upang ma-upload ito at magsilbing patunay ng pagkakakilanlan para maging permanente ang pag-tag ng datos ng miyembro.
Ipinahayag ni Agapito na marami nang natulungan ang SSS sa kanilang isinagawang programa kung saan nakapagbigay sila ng tulong sa mga katanungan ng publiko, nakapagparehistro ng mga bagong miyembro, at nakaalalay sa pagbabayad ng kontribusyon.
Aniya, magpapatuloy ang mga kahalintulad na aktibidad sa iba’t ibang lugar at sabay-sabay itong isasagawa ng lahat ng sangay ng SSS, habang nakatakda rin ang panibagong caravan sa Agosto sa mga bayan na sakop ng Dagupan Branch.
Binigyang-diin ni Agapito na layunin ng SSS ang universal coverage upang mabigyan ng social security protection ang lahat ng Pilipino.
Aniya, maaaring maging miyembro ang mga empleyado sa pribadong sektor, informal workers, self-employed, voluntary members, non-working spouses, OFWs, maging ang mga dating miyembrong tumigil sa paghuhulog ng kontribusyon dahil panghabambuhay ang pagiging miyembro sa SSS at hindi ito nawawala kahit pansamantalang huminto sa pagbabayad.
Hinimok din niya ang mga miyembro na ipagpatuloy ang regular na paghuhulog ng kontribusyon dahil mas mataas na halaga at mas maraming kontribusyon ang katumbas ng mas malaking benepisyo sa ilalim ng SSS.
Kabilang dito ang sickness, maternity, disability, death, funeral at retirement benefits, gayundin ang ipinatutupad na tatlong taong dagdag-pensiyon para sa mga kwalipikadong retirement at disability pensioners.
Samantala, ipinaalala ni Agapito na ang calamity loan ay maaari lamang ipagkaloob sa mga miyembrong naninirahan sa mga lugar na opisyal na idineklara bilang calamity area ng Department of the Interior and Local Government.
Hinikayat din niya ang lahat ng Pilipino, kabilang ang mga nasa ibang bansa, na tiyaking maipagpatuloy ang kanilang pagiging miyembro at paghuhulog sa SSS upang matiyak ang seguridad ng kanilang kinabukasan at ng kanilang mga benepisyaryo.









