“Nasa bola na ng Senado.” Ito ang mariing pahayag ni Jerome Adonis, Chairperson ng Kilusang Mayo Uno (KMU), kasunod ng makasaysayang pagpasa ng Kamara sa impeachment case laban kay Pangalawang Pangulo Sara Duterte.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, binigyang-diin ni Adonis na bagama’t nagbibigay ng pag-asa ang 257 boto mula sa mga Kongresista, nananatili ang pangamba ng sektor ng manggagawa sa liderato ng Senado. Partikular na tinukoy ni Adonis si Senate President Peter Cayetano na aniya ay “highly identified” sa mga Duterte, kaya naman kailangan ang matinding pagbabantay ng taong bayan upang hindi mauwi sa wala ang pananagot sa hinihinalang paglustay sa kaban ng bayan.
Hindi rin pinalampas ni Adonis ang muling pagpapakita ni Sen. Bato dela Rosa sa Senado matapos ang halos anim na buwang pagkawala para lamang bumoto sa pagpapalit ng liderato. Tinuligsa ng KMU ang tila pagkanlong at pagtatanggol ng Senado sa mga indibidwal na may kinakaharap na kaso sa International Criminal Court (ICC). Ayon kay Adonis, ang kawalan ng political stability at ang mga kaguluhan sa loob mismo ng Senado ay nagpapadala ng negatibong signal sa mga dayuhang mamumuhunan, na kalaunan ay nagreresulta sa kawalan ng trabaho para sa mga Pilipino.
Habang abala ang mga pulitiko, binayo naman ng matinding krisis ang mga manggagawa. Inilahad ni Adonis ang malungkot na estado ng ekonomiya. Kung saan 5.1% unemployment rate ng bansa o halos 3 milyong Pilipinong walang trabaho. Kasama na rin ang 73% na pagbagsak ng purchasing power ng piso. At ang higit P18 trilyon na utang ng bansa. Idagdag pa rito ang nararanasang rotational brownouts na nagreresulta sa “no work, no pay” para sa mga ordinaryong manggagawa.
Dahil dito, kinumpirma ni Adonis ang nakatakdang protesta sa main office ng Meralco upang ireklamo ang palpak na serbisyo sa gitna ng mataas na singil. Panawagan ng KMU Sa halip na “patsi-patsing” ayuda na madalas ay nauuwi lang sa gulo, iginiit ni Adonis ang mga konkretong solusyon; tulad ng pagpapasa sa P1,200 legislated daily wage sa buong bansa. Pagbasura sa Oil Deregulation Law at pagtanggal sa VAT/Excise Tax sa langis upang mapababa ang presyo ng bilihin. At ang pagsiguro sa conviction ni Sara Duterte at bawiin ang perang ninakaw umano sa taong bayan.
“Hindi ho natin deserve ang ganito,” pagtatapos ni Adonis, habang nananawagan sa publiko na gamitin ang lahat ng plataporma—maging sa kalsada o sa social media—upang ituring na pananagutan ang administrasyong Marcos sa nararanasang krisis ng bansa.










