Dagupan City – Nagsalita na ang baguhang singer na si Sheena Palad hinggil sa aberyang nangyari sa 72nd FAMAS Awards, kung saan pinalitan niya bilang presenter ang beteranang aktres na si Eva Darren.
Nito lamang lunes, naging usap-usapan sa social media ang mahabang post ng anak ni Eva na si Fernando de la Peña, kung saan ay ikinuwento nito ang pagbabalewala at pagdisrespetong ipinaranas umano sa kanyang ina ng mga organizers ng FAMAS.
Ayon sa anak nito, inimbitahan ang kanyang ina sa 72nd FAMAS ngunit hindi nasunod ang ipinangako sa veteran actress na partisipasyon nito bilang award presenter.
Dapat ay katuwang ni Eva ang kapwa beteranong aktor na si Tirso Cruz III sa pagpe-present ng special citations, ngunit bigla siyang pinalitan ni Sheena nang walang abiso.
Bagamat agad na naglabas ng pahayag ang FAMAS upang humingi ng paumanhin sa beteranang aktres, marami pa rin sa netizens ang nakisimpatiya sa sinapit ni Eva.
Dahil dito, umani ng kaliwa’t kanang batikos ang FAMAS at maging si Sheena na pumalit kay Eva ay nadamay na rin sa galit ng netizens.
Ayon kay Sheena, nagdesisyon siyang maglabas ng statement dahil hindi na niya kaya ang pambabatikos sa kanya ng publiko sa kasalanang hindi naman daw siya ang may gawa.
Kung saan ay naimbitahan daw siya bilang perfomer na kakanta sa dinner pleasure ng nasabing award-giving body. Ngunit dahil sa biglaang pangyayari, nilapitan daw siya ng isa sa organizer ng event at pinakiusapang maging presenter kasama ni Tirso.
Sa official statement ng FAMAS, inamin nilang dapat ay kasama ni Eva si Tirso na magpe-present ng special citations. Pero hindi raw mahanap ng production team si Eva.
Pero inalmahan ito ng anak ni Eva na si Fernando dela Peña, at sinabing nakaupo ang kaniyang ina sa kaparehong lamesa nina Marissa Delgado at Divina Valencia, kung kaya’t imposible raw na hindi ito nakita.