Selos ang nakikitang dahilan kung bakit nagawang saksakin ng suspek ang 50 anyos na Ginang na kaniyang dating karelasyon sa bayan ng Mangaldan.

Ang krimeng ito ay nangyari kamakailan sa bahagi ng brgy. Salay, sa nasabing bayan kung saan kinilala ang biktimang si Lina Biala Abrio, isang tindera at residente ng Brgy. Bantayan sa nasabing bayan habang ang suspek naman ay kinilalang si Alvin Quinto Suque na residente naman ng Frianeza St. Brgy. Poblacion sa parehong bayan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay PCapt. Vicente Abrazaldo, Jr., ang Deputy Chief of Police ng Mangaldan Municipal Police Station, dati na umanong may alitan ang dalawa at natural na seloso umano ang suspek.

--Ads--

Napag-alaman ito ng pulisya dahil nagkaroon na rin umano ng record sa kanilang himpilan ang suspek bunsod ng pananakit nito sa biktima.

Base sa kanilang inisyal na imbestigasyon, galing pa umano ng birthday party ang dalawa bago mangyari ang krimen kung saan nagkaroon sila ng pagtatalo at nahuli pa umano ng suspek na mayroon ng bagong karelasyon ang biktima, ito marahil ang nagtulak sa kaniya upang gawin ang krimen.

Matapos dumalo ng handaan, tinambangan ng suspek ang biktima sa tabi ng isang eskwelahan sa brgy. Salay, kung saan habang minamaneho ng biktima ang motorsiklo, pinagsasaksak ito ng suspek sa kaniyang tagiliran.

Nagawa pa umanong magmaneho ng biktima at makarating sa highway upang manghingi ng saklolo. Naitakbo pa naman ito sa pagamutan ngunit hindi na nagawang maisalba pa ang buhay nito.

Sa ngayon ay pinaghahanap pa rin ng pulisya ang suspek at kasalukuyan pa ring inaalam kung anong kaso ang ipapataw sa kaniya.