Dagupan City – Patuloy ang isinasagawang masusing monitoring ng Municipal Agriculture Office ng San Fabian kaugnay sa usapin ng African Swine Fever (ASF) matapos ang pagkakaroon ng naiulat na kaso sa isang bayan sa western Pangasinan.
Ayon kay Johnny Jugo Paraan, Head ng nasabing opisina, mahalaga na bigyang-prioridad ang mga preventive measures kaysa sa mga corrective actions upang mapigilan ang pagkalat ng sakit.
Ani Paraan, bagama’t walang naiulat na kaso ng ASF sa San Fabian ngayon, hindi maaring maging kampante ang mga mamamayan at mga ahensya dahil sa kadalian ng pagkalat ng sakit.
Binigyang-diin niya na mas mabuti na magkaroon ng pagbabawal o paghihigpit sa buong probinsya kaysa lamang sa ilang mga bayan na malapit sa hininalang may kaso upang mas maagang makita at mapigilan ang posibleng pagkalat ng ASF.
Ibinahagi rin niya na may mga kaso kung saan ang ilang mga magbababoy ay nahihiyang ideklara ang pagkakaroon ng mga sintomas sa kanilang mga alagang baboy dahil sa takot na mawawalan ng kabuhayan.
Ayon kay Paraan, mahalaga rin na palawakin ang kamalayan hindi lamang sa mga magbababoy kundi pati na rin sa mga mamimili at buong komunidad, dahil sila rin ay bahagi ng pagpigil sa pagkalat ng nito.
Binanggit din niya na kailangan ng mabilis na desisyon mula sa mga lokal at probinsyal na pinuno para mapagtibay ang mga hakbang na kailangan, tulad ng paghihigpit sa pagpasok ng mga baboy sa probinsya.
Saad nito na sa bayan, maraming mga backyard raisers ang nag-aalaga ng baboy kung saan kadalasan ay hanggang 100 ulo ang bilang ng mga alaga.
Bukod sa pagsasaka at pangingisda, ang pag-aalaga ng mga hayop tulad ng baboy, baka, at kambing ay isa sa pangunahing kabuhayan ng mga residente dito.
Sinabi pa nito na mayroon nang mga grupo at usapan sa pamamagitan ng mga chat group o social media kung saan ibinabahagi ang mga impormasyon tungkol sa pag-iwas at mga preventive measures laban sa ASF.
Gayunpaman, kinikilala niya na mahirap din ang pagmomonitor dahil sa maraming daanan at exit point sa probinsya, kaya kailangan ng aktibong pagtutulungan at pag-uulat mula sa mismong komunidad.










