Dagupan City – Nanawagan ang isang residente ng Dior Village sa Barangay Pantal sa may-ari ng isang bakanteng lote na agad itong aksyunan dahil sa matagal nang problemang dulot ng naiipong tubig na umaabot hanggang sa kanilang bahay.

Ayon sa residente, matagal na niyang hinahanap ang may-ari upang hilinging matambakan o maayos ang lote, ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin niya ito natutunton.

Ibinahagi ng residente na naipaabot na rin niya ang reklamo sa pamunuan ng Barangay Pantal.

--Ads--

Gayunman, sinabi umano ng mga opisyal ng barangay na nahihirapan din silang matukoy ang kinaroroonan ng may-ari ng lupa kaya nananatiling hindi naaaksyunan ang suliranin sa loob ng maraming taon.

Dahil sa matagal na pag-ipon ng tubig sa bakanteng lote, nagiging mabaho ito lalo na kapag hindi gumagalaw ang tubig.

Bagama’t nasanay na umano ang mga residente sa amoy, patuloy pa rin itong nagdudulot ng hindi magandang kalagayan sa kapaligiran at maaaring magdulot ng panganib sa kalusugan ng mga naninirahan sa lugar.

Ayon pa sa residente, humingi na rin sila ng tulong sa tanggapan ng assessor upang matukoy ang address ng may-ari ng lupa. Bagama’t nakakuha sila ng impormasyon, wala pa rin silang natagpuang may-ari nang puntahan nila ang nakatalang lokasyon at mga kalapit na lugar.

Umaasa ang residente na agad nang matutugunan ang suliranin sa bakanteng lote upang maiwasan ang patuloy na pag-ipon ng tubig, mabahong amoy, at iba pang abalang nararanasan ng mga residente ng Dior Village sa Barangay Pantal.