DAGUPAN CITY- Inilatag ng lokal na pamahalaan ng San Carlos City ang pinaikling iskedyul ng pagdiriwang ng Mango Bamboo Festival 2026 bilang pagsunod sa pambansang direktiba kaugnay ng umiiral na “State of National Energy Emergency.”

Ayon sa anunsyo, mula sa orihinal na 22 nakaplanong aktibidad, 6 na programa na lamang ang matutuloy. Kabilang dito ang Ms. San Carlos City 2026, Opening Parade at Mangga-wayan Streetdancing, Mass Wedding, Agew na Kalangwaran, Bamboohan ed Baley 2026, at ang Grand Ball and Coronation Night.

Ipinaliwanag ng pamahalaang lungsod na ang pagkansela ng 16 na aktibidad ay bahagi ng pagtitipid sa enerhiya, alinsunod sa utos ng Malacañang na naglalayong mabawasan ng humigit-kumulang 70 porsyento ang konsumo ng kuryente at gasolina kung ikukumpara sa buong pagdaraos ng festival.

--Ads--

Dagdag pa ng lokal na pamahalaan, ang hakbang ay hindi lamang pagtugon sa kakulangan sa enerhiya kundi pagbibigay-daan din sa mas mahahalagang programa na tutugon sa pangangailangan ng komunidad sa gitna ng kinakaharap na hamon ng bansa.

Sa kabila nito, tiniyak ng mga opisyal na mananatili ang diwa ng tradisyon sa pamamagitan ng pagpapatuloy ng piling aktibidad, lalo na ang mga may kaakibat na legal na obligasyon mula sa mga naunang kasunduan bago ideklara ang Executive Order No. 110, s. 2026.

Inaasahan namang tatagal hanggang Abril 18 ang Reduced Fiesta, na posibleng maging huling malakihang pagdiriwang sa lungsod para sa kasalukuyang taon, habang ililipat ang pokus sa mga programang higit na makakatulong sa mamamayan.