Nagpapagaling na ngayon sa ospital ang isang kapitan matapos itong pagsaksakin ng isang martial Arts Instructor dito sa syudad ng Dagupan.

Nakilala ang biktima na si Ferdinand Lamsen, 50 anyos at punong brgy ng Brgy Salisay dito sa nabanggit na lungsod. Habang ang suspek ay natukoy naman bilang si Emmanuel Sapo, 39 anyos, isang martial Arts Instructor at residente din sa nabanggit na lugar.

Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Police Major Rizalino Suarez, Deputy Chief of Police ng Dagupan City Pnp, sinabi nito na nagsimula ang insidente ng awatin umano ni Lamsen ang suspek na si Sapo na noo’y naaktuhan ang aktwal na pananakit sa kanyang live in partner na kinilala bilang si Jennifer Velasco.

--Ads--

Aniya, ilang mga residente ang nakarinig ng pagtatalo ng dalawa kung kaya’t agad umanong ipinatawag ang presensya ni kapitan Lamsen. Sinubukan naman umanong umawat ng naturang punong brgy ngunit sa halip na tumigil, ay bigla na lamang umano siyang pinagsasaksak ng suspek na si Sapo.

Sa follow up investigation naman ng mga otoridad, lumalabas na nag ugat umano ang pagtatalo ng maglive in partner dahil sa pagsusuot ng maiksing shorts ni Velasco habang naglalaba. Aniya, hindi umano nagustuhan ng suspek ang paraan ng pagdadamit ng kanyang live in partner kung kaya’t noong malasing, ay naungkat niya ito, at doon na nagsimula ang kanilang pagtatalo na kalaunan ay nauwi sa pananakit sa kanyang asawa at pananaksak naman sa umawat na punong brgy.

Samantala, hindi pa umano matukoy ng mga otoridad kung ilang saksak ang tinamo ni Punong Brgy Lamsen na ngayon ay kasalukuyan pa ring nagpapagaling sa ospital kasama na ang nabanggit na live in partner na si Velasco, na nagtamo din ng mga pasa dahil sa matinding bugbog sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan./with reports from Bombo Mariane Esmeralda