DAGUPAN CITY- Mariing kinondena ni Cathy Estavillo, spokesperson ng Bantay Bigas, ang tila pagbibingi-bingihan ni Department of Agriculture Secretary Tiu Laurel Jr. sa kalagayan ng lokal na agrikultura.

Ayon sa kaniya, sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, naibabatid man nila ang kanilang mga proposal sa kalihim subalit patuloy pa rin nito ipinapatupad ang mga polisiyang nagpapahirap sa mga magsasaka at mangingisda.

Dahil dito ay hindi pa rin kayang makipagsabayan ng mga lokal na produkto sa mga imported.

--Ads--

Giit pa niya na ang pagbaba ng taripa sa mga imported products ay napapakinabangan lamang ng mga exporting countries at importers.

Bagaman layunin umano ng kalihim ay mapapababa ang presyo ng mga produkto sa pamilihan subalit, nananatili pa rin ang pagtaas nito.

Maliban pa riyan, patuloy din ang pambabarat ng mga traders dahil wala naman programa ang gobyerno na direktang bibili sa lokal na produkto.

Dahil dito, napipilitan na lamang ang mga magsasaka na itapon ang kanilang mga nabubulok na produktong agrikultura.