DAGUPAN CITY—Tiniyak ng Samahang Magbabangus sa Pangasinan ang kanilang suporta sa nalalapit na malaking kaganapan sa Dagupan, habang pinuri naman ni Christopher Aldo Sibayan ang pamumuno ni Mayor Belen Fernandez sa pagsusulong ng aquaculture sector at bangus industry ng lungsod.
Ayon kay Sibayan, mananatiling matatag at sapat ang suplay ng bangus sa mga susunod na linggo, kasabay ng kanilang paghahanda para sa inaasahang pagtaas ng demand.
Gayunman, inamin niyang may posibilidad na bumaba ang presyo ng bangus dahil sa kakulangan ng buyers, dulot ng mataas na presyo ng diesel na nagpapahina sa loob ng mga biyahero at maliliit na traders na bumiyahe.
Ipinaliwanag niya na ang limitadong volume na kayang bilhin ng small to medium traders ay kinakain lamang ng gastos sa transportasyon, na nagiging dahilan upang mabawasan ang galaw ng bentahan.
Dagdag pa niya, bagama’t may kaunting benepisyo sa operational expenses ng producers, mas nangingibabaw ang negatibong epekto nito sa kabuuang daloy ng industriya, lalo na sa distribution at trading.
Nanawagan siya sa mga trader at stakeholder, partikular sa bentahan sa Malimgas Market sa Dagupan, na protektahan ang presyo ng bangus at iwasang ibagsak ito, lalo na po ang puhunan ng mga magbabangus sa kasalukuyan habang patuloy ang pagtaas ng gastos sa feeds at diesel.
Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng balanseng ugnayan sa pagitan ng producers, traders, at consumers upang hindi masaktan ang bawat sektor ng industriya.
Sa kabila ng mga hamon, nananatiling mahalaga ang industriya ng bangus sa ekonomiya ng Pangasinan dahil sa ambag nito sa turismo at sa pagpapalawak ng merkado at pagkilala sa produkto, hindi lamang sa lokal kundi higit pa sa pandaigdigang antas.










