Dagupan City – Umabot sa halos ₱200 ang presyong ibinaba ng liquefied petroleum gas (LPG) mula noong nakaraang buwan hanggang sa unang linggo ng Hunyo.
Inaasahan naman ang posibleng karagdagang pagbaba ng presyo sa mga susunod na linggo kasunod ng patuloy na rollback sa mga produktong petrolyo.
Dahil dito, umaasa ang mga consumer na mas lalo pang bababa ang halaga ng LPG sa mga darating na buwan.
Mula sa dating mahigit ₱1,500 ang presyo ng isang 11-kilogram na tangke ng LPG, nasa humigit-kumulang ₱1,300 na lamang ito sa kasalukuyan.
Umaasa naman ang ilang retailer at mamimili na maibabalik pa ang presyo nito sa dating antas na nasa humigit-kumulang ₱1,000 kada tangke.
Ayon sa mga consumer, magsisilbing malaking ginhawa ang pagbaba ng presyo lalo na sa panahon ng pagtaas ng gastusin ng pamilya.
Anila, kahit paunti-unti ang rollback, nakatutulong pa rin ito upang mabawasan ang kanilang pang-araw-araw na gastusin.
Samantala, kasabay ng nalalapit na pagbubukas ng klase, nakapagtala na rin ng pagtaas sa demand ng LPG.
Mula sa karaniwang sampung tangke na naibebenta kada araw, umaabot na ito ngayon sa humigit-kumulang 15 tangke.
Paliwanag ng mga retailer, mas tumataas ang pangangailangan sa LPG tuwing pasukan dahil mas maraming pamilya ang naghahanda ng pagkain sa bahay para sa mga estudyante.
Dahil dito, inaasahan nilang magpapatuloy ang pagtaas ng demand habang nagsisimula ang School Year 2026-2027.










