Nasawi ang dalawang Pilipino habang walo pa ang malubhang nasugatan nang tumaob ang isang bus sa isang motorway sa katimugang Germany nitong Linggo ayon sa pulisya.

Sakay ng bus ang tinatayang 50 turistang Pilipino na patungo sa Munich upang dumalo sa Oktoberfest, isang tanyag na pistang serbesa sa Germany. Nangyari ang aksidente bandang alas-6 ng umaga, lokal na oras.

Ayon sa paunang imbestigasyon ng mga awtoridad, lumihis sa kalsada ang bus bago ito tumaob malapit sa Buchloe, isang lugar na malapit sa hangganan ng Austria. Galing umano ang bus sa Milan, Italy.

Malawakang operasyon ng mga emergency responder ang isinagawa sa lugar upang iligtas at gamutin ang mga biktima. Dahil sa aksidente, pansamantalang isinara sa magkabilang direksiyon ang motorway.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang eksaktong sanhi ng aksidente at makumpirma ang iba pang detalye hinggil sa mga nasawi at nasugatan.

--Ads--

Ipinahayag ng Philippine Consulate General sa Frankfurt na labis silang nalulungkot sa insidente habang nakikipag-ugnayan na sa pulisya ng Germany upang kumpirmahin ang pagkakakilanlan ng mga biktima.

Nakiisa rin sa pakikiramay ang Philippine Consulate General sa Milan at naglabas ng hotline para sa mga pamilyang kailangang makipag-ugnayan ukol sa kanilang mga kamag-anak.

Samantala, patuloy ang panalangin ng mga opisyal ng Pilipinas para sa mabilis at kompletong paggaling ng iba pang mga kababayang nasugatan sa aksidente.