Dagupan City – Bagsak sa kulungan ang isang lalaki matapos isilbi ng mga awtoridad ang dalawang search warrant sa kaniyang tahanan na sa bayan ng Pozorrubio.
Nagresulta ito sa pagkakakumpiska ng daan-daang libong piso na halaga ng hinihinalang shabu at iba’t ibang uri ng armas.
Nagsagawa ng joint operation ang mga tauhan ng Pozorrubio MPS sa mismong bahay ng suspek sa Barangay Amagbagan sa nasabing bayan, kung saan matagumpay na naipatupad ang mga warrant ng nakalipas na alas-diyes ng umaga.
Sa naging paghahalughog sa lugar, nasamsam ng mga otoridad ang tatlong sachet ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na humigit-kumulang 35 gramo.
Tinatayang umaabot sa ₱238,000.00 ang Standard Drug Price (SDP) ng mga narekober na ilegal na droga.
Bukod sa droga, nadiskubre rin sa loob ng tahanan ng suspek ang ilang armas at kagamitan sa paggawa ng baril, kabilang ang Isang caliber .22 rifle, Isang shotgun, Isang air gun barrel, Iba’t ibang magazine at suppressor (silencer), Anim na piraso ng live ammunition para sa caliber .22 at Mga espesyal na kagamitan at kumpuni na ginagamit sa paggawa o pag-aayos ng armas
Agad na dinala ang naarestong suspek sa Pozorrubio Community Hospital upang sumailalim sa medical examination bago ito tuluyang ibiniyahe patungo sa himpilan ng pulisya para sa kaukulang disposisyon at paghahain ng mga dokumento.
Samantala, kasalukuyan nang inihahanda ng pulisya ang mga kaukulang kasong isasampa laban sa suspek kaugnay ng paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) at Republic Act 10591 (Comprehensive Law on Firearms and Ammunition Regulation Act).










