Dagupan City – Nasawi ang isang tricycle driver matapos bumangga sa likuran ng kaniyang sinasakyang tricycle ang isang kotse sa Barangay Maticmatic, Sta. Barbara, Pangasinan, pasado ala-una ng madaling araw.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya at sa kuha ng CCTV, kapwa patungong kanluran ang tricycle at pulang kotse. Nasa inner lane ang tricycle habang sinusundan naman ito ng kotse.
Nangyari ang aksidente nang bumangga ang kotse sa likuran ng tricycle, dahilan upang tumilapon ang driver nito at magtamo ng malulubhang sugat.
Agad na isinugod ang biktima sa Mapandan Community Hospital, ngunit idineklarang dead on arrival ng attending physician.
Samantala, natunton at naaresto ng mga awtoridad ang driver ng kotse sa Barangay Banaoang, kung saan natagpuan ang sasakyang may pinsala sa harapang bahagi. Dinala rin sa ospital sa Dagupan City ang driver at babaeng pasahero nito para sa pagsusuri at kaukulang lunas.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng PNP upang matukoy ang buong detalye at sanhi ng insidente.










