Aabot sa 337,476 manggagawa sa pribadong sektor sa Central Visayas ang makikinabang sa P42 dagdag sa minimum wage matapos pagtibayin ng National Wages and Productivity Commission (NWPC) ang wage order para sa rehiyon.
Ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE), magiging epektibo ang bagong wage rates sa Oktubre 14.
Sa ilalim ng bagong wage order, magiging P582 kada araw ang minimum wage sa mga lugar na kabilang sa Class A, habang P542 kada araw naman sa Class B areas.
Sakop ng wage increase ang mga manggagawa sa pribadong sektor sa Cebu, Bohol, Negros Oriental at Siquijor.
Pinagtibay ng NWPC ang wage order sa deliberasyon nito sa DOLE Regional Office VII sa Cebu noong Setyembre 26 kung saan limang commissioner ang dumalo at nagka-isa sa deliberasyon habang dalawa ang absent.
Bago ito, isinumite ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) VII sa NWPC ang wage order para sa pagsusuri at pag-apruba.
Isinagawa ng RTWPB VII ang proseso ng pagtukoy sa bagong minimum wage sa pamamagitan ng konsultasyon at public hearings kasama ang mga kinatawan ng mga manggagawa, management at iba pang stakeholder sa Central Visayas.
Kasunod ng pag-apruba ng NWPC, isusunod na ng Regional Board ang publikasyon ng wage order alinsunod sa mga itinakdang panuntunan bago ito ipatupad sa Oktubre 14. | via Angelo Aganan










