Dagupan City – Pabor si Political Analyst Atty. Michael Henry Yusingco sa reklamong isinampa laban kay Senadora Pia Cayetano sa Senate Committee on Ethics and Privileges kaugnay ng umano’y pag-post nito ng “spliced” o inedit na video ni House Prosecutor at Akbayan Party-list Representative Chel Diokno.

Ayon kay Yusingco, mali ang naging hakbang ni Cayetano sa pagbabahagi ng naturang video dahil maaari itong magdulot ng maling interpretasyon sa publiko tungkol sa impeachment proceedings.

Matatandaang naghain ng reklamo ang grupong Tindig Pilipinas, isang koalisyon ng mga pro-democracy groups, civil society organizations, at political figures, laban kay Cayetano.

--Ads--

Iginiit ng grupo na dapat itong imbestigahan at patawan ng kaukulang disciplinary sanctions dahil sa umano’y pag-post ng “spliced and misleading” na video kaugnay ng pahayag ni Diokno tungkol sa financial records ni Vice President Sara Duterte.

Samantala, nanawagan si Yusingco sa publiko na tutukan at unawain ang mga nagaganap sa impeachment proceedings.

Hinikayat din niya ang media, academe, mga abogado, at legal experts na tumulong sa pagpapaliwanag ng mga isyung legal at konstitusyonal upang matiyak na tama at makatotohanan ang impormasyong naipararating sa publiko at magsilbing gabay.