Tinanggihan ng Philippine National Police o PNP ang panawagang gumamit ng “shoot-to-kill” approach sa pagpapatupad ng warrant of arrest laban kay Senador Ronald “Bato” Dela Rosa.

Ayon kay PNP chief General Jose Melencio Nartatez Jr., tungkulin nilang ipatupad ang batas at hindi kumilos nang labas dito. Binigyang-diin niyang dapat sundin sa lahat ng operasyon ang due process, karapatang pantao at rule of law.

Ito ay kasunod ng pagkalat ng mga pekeng quote card sa social media na nag-aangking nanawagan si Cagayan de Oro Rep. Lordan Suan ng “shoot-to-kill” laban sa senador. Itinanggi ito ni Suan at sinabing wala siyang ginawang ganoong pahayag.

--Ads--

Samantala, iniutos ni Nartatez sa mga police unit na ipagpatuloy ang intelligence gathering at monitoring upang matukoy ang kinaroroonan ni Dela Rosa, na nahaharap sa warrant of arrest kaugnay ng kasong crimes against humanity sa ICC. May nakalaang 50-milyong pisong pabuya para sa impormasyong hahantong sa kanyang pagkakaaresto.