Dagupan City – Patuloy na isinusulong ng Fraternal Order of Eagles–Philippine Eagles Incorporated ang mga programang nakatuon sa pagtulong sa mga komunidad, lalo na sa mga lugar na naaapektuhan ng mga kalamidad.
Ayon kay Antonio Tadeo Jr., Regional Governor ng Northern Luzon Region XV, pangunahing layunin ng organisasyon ang magsagawa ng mga gawaing sosyo-sibiko at boluntaryong serbisyo bilang katuwang ng pamahalaan sa pagtugon sa pangangailangan ng mga mamamayan.
Ayon kay Tadeo, aktibo ang mga miyembro ng Philippine Eagles sa iba’t ibang panig ng Luzon, Visayas, at Mindanao sa pagbibigay ng tulong tuwing may bagyo, sunog, baha, at iba pang sakuna.
Sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos ng mga boluntaryo, mas napapabilis ang paghahatid ng tulong sa mga pamilyang nangangailangan at nababawasan ang bigat ng sitwasyong kinakaharap ng mga apektadong komunidad.
Binigyang-diin din niya na mahalaga ang pakikilahok ng mga pribadong organisasyon sa mga humanitarian activities upang masuportahan ang mga programa ng pamahalaan.
Aniya, bagama’t mga ordinaryong mamamayan lamang ang karamihan sa kanilang mga miyembro, malaki ang naiaambag ng bawat isa sa pamamagitan ng boluntaryong paglilingkod at pagtulong sa kapwa.
Naniniwala rin si Tadeo na ang pagtulong sa kapwa ay hindi lamang pagpapakita ng malasakit sa komunidad kundi isang paraan din ng paglilingkod na may pagpapahalaga sa pananampalataya at pagkakaisa.
Dahil dito, patuloy na hinihikayat ng organisasyon ang mga miyembro nito na maging aktibo sa mga gawaing makatao at pangkomunidad.
Hinimok din ni Tadeo ang lahat ng kasapi ng Fraternal Order of Eagles–Philippine Eagles Incorporated na ipagpatuloy ang kanilang nasimulang adbokasiya sa paglilingkod at boluntaryong pagtulong upang mas marami pang mamamayan ang makinabang sa mga programa at serbisyong isinusulong ng organisasyon.










