Dagupan City – Hinikayat ng Provincial Public Employment Service Office (PESO) ng Pangasinan ang mga naghahanap ng trabaho na pagbutihin ang kanilang kakayahan at panatilihin ang magandang pag-uugali upang mapataas ang kanilang pagkakataong matanggap sa trabaho.
Ayon kay Wilfreda Vicente, Labor Employment Officer III ng Pangasinan PESO, patuloy ang pagdaraos ng mga recruitment activity at job fair upang mailapit ang mga oportunidad sa trabaho sa mga Pangasinense.
Ayon kay Vicente, marami sa mga aplikante ang agad na natatanggap sa mga recruitment activity, subalit may ilan na hindi naipagpapatuloy ang kanilang aplikasyon dahil sa layo ng lugar ng trabaho.
Dahil dito, nagsasagawa ang PESO ng orientation upang maihanda ang mga aplikante sa mga kinakailangan at sa posibleng paglipat ng kanilang lugar ng trabaho.
Kabilang pa rin sa mga pinaka-in demand na trabaho ang mga production operator dahil bukas ang mga posisyong ito sa mga high school graduate at maging sa mga walang karanasan. May mga oportunidad sa loob ng Pangasinan, ngunit marami ring bakanteng posisyon sa mga kumpanya sa Binalonan, Pampanga, at Bataan para sa mga aplikanteng handang magtrabaho sa labas ng lalawigan.
Pinayuhan din ni Vicente ang mga job seeker na hindi lamang paghandaan ang kanilang aplikasyon kundi paunlarin din ang kanilang kaalaman, pisikal na kahandaan, at emosyonal na katatagan.
Binigyang-diin niya na mahalaga ang magandang asal at positibong pananaw dahil isa ito sa mga pangunahing tinitingnan ng mga employer bukod sa kakayahan ng aplikante.
Bukod dito, hinihikayat din ng PESO ang mga naghahanap ng trabaho na patuloy na mag-upgrade ng kanilang kasanayan sa pamamagitan ng mga skills training na iniaalok ng iba’t ibang ahensya.
Ayon kay Vicente, ang pagkakaroon ng mas maraming kasanayan ay nagbibigay ng mas malaking oportunidad sa mga aplikante na maging kompetitibo at matagumpay na makapasok sa trabaho.










