Patuloy ang mahigpit na monitoring ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ng Pangasinan sa mga ilog, evacuation centers at iba pang lugar na naapektuhan ng pagbaha, kasabay ng paalala sa publiko na huwag magpakampante sa kabila ng pansamantalang pagbuti ng panahon.

Sa panayam, sinabi ni Maegan Equila, Research and Planning Head ng PDRRMO Pangasinan, na bagama’t muling sumikat ang araw nitong mga nakaraang araw, nananatiling mataas ang tubig sa ilang pangunahing ilog sa lalawigan.

Ayon kay Equila, nananatili sa spilling level ang Marusay River sa Calasiao, habang patuloy ding minomonitor ang Pantal River sa Dagupan City, na kabilang sa mga pangunahing catch basin sa Pangasinan.

--Ads--

Ipinaliwanag niya na kahit bumababa na ang tubig sa ilang lugar, maaari pa ring tumaas ang lebel ng tubig sa mga ilog dahil sa daloy mula sa upstream areas, kabilang ang mga lugar sa Benguet at Baguio City.

Batay sa monitoring ng PDRRMO, malaki ang naitalang rainfall accumulation sa Pangasinan nitong mga nakalipas na araw.

Sa loob lamang ng 12 araw, umabot sa 83 porsiyento ng inaasahang rainfall para sa buong buwan ng Agosto ang naitala sa Dagupan monitoring area. Samantala, sa Baguio City, lumampas naman ito sa 100 porsiyento, o humigit-kumulang 100.33 porsiyento ng inaasahang buwanang ulan.

Dahil dito, sinabi ni Equila na patuloy na nararamdaman sa Pangasinan ang epekto ng tubig na nagmumula sa upstream areas.

Kabilang sa mga pangunahing binabantayang river system ang Agno River at Sinucalan River, na dumadaloy patungong Lingayen Gulf. Dahil dito, posible pa ring tumaas ang tubig sa ilang bahagi ng Pangasinan kahit wala nang malakas na ulan sa mismong lugar.

Samantala, nilinaw ng PDRRMO ang kasalukuyang kondisyon ng San Roque Dam.

Batay sa update na binanggit ni Equila noong Agosto 21, alas-5 ng umaga, nasa 275.36 meters above sea level (masl) ang water level ng San Roque Dam at wala pang binubuksang gate.

Gayunman, ipinaliwanag ni Equila na hindi nangangahulugang awtomatikong maglalabas ng tubig ang dam kapag umabot sa 280 masl. Mayroon itong kapasidad na umabot sa mas mataas na lebel, habang ang crest nito ay nasa 295 masl.

Patuloy rin umano ang koordinasyon ng PDRRMO sa mga kinauukulang eksperto at operator ng dam upang matiyak na ang anumang magiging desisyon ay nakabatay sa kasalukuyang kondisyon at panganib sa lalawigan.