Arestado ang isang 51-anyos na lalaki matapos ipatupad ng mga operatiba ng Philippine National Police Drug Enforcement Group Special Operations Unit 1, kasama ang iba pang law enforcement agencies, ang search warrant laban sa kanya sa Barangay Luciente 1.0, Bolinao, Pangasinan. Sa operasyon, nasamsam ang 19 na sachet ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na humigit-kumulang 60 gramo at tinatayang may standard drug price na P408,000, gayundin ang isang coin purse na pinaniniwalaang ginamit na lalagyan ng ilegal na droga.
Ayon kay PCPT Rowell C. Isit, Team Leader ng PDEG Pangasinan, naging maayos ang pagpapatupad ng search warrant sa tulong ng koordinasyon ng iba’t ibang yunit ng pulisya at ng Philippine Drug Enforcement Agency. Isinagawa rin ang pagmamarka at imbentaryo ng mga nakumpiskang ebidensya sa mismong lugar ng operasyon sa harap ng mga kinakailangang saksi alinsunod sa umiiral na proseso.
Batay sa ulat ng mga awtoridad, ang operasyon ay isinagawa sa bisa ng Search Warrant No. 28-2026 na inisyu ng Regional Trial Court Branch 54 sa Alaminos City kaugnay ng umano’y paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. Dinala ang mga nakumpiskang ebidensya para sa kaukulang dokumentasyon at forensic examination habang inihahanda ang pagsasampa ng kaso.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Bolinao Police Station ang suspek habang nagpapatuloy ang imbestigasyon. Patuloy namang pinaiigting ng mga awtoridad ang kanilang kampanya laban sa ilegal na droga sa pamamagitan ng magkasanib na operasyon ng iba’t ibang law enforcement agencies.










