Target ng Philippine Coconut Authority (PCA) na makapagtanim ng 700,000 punla ng niyog sa Northern Luzon sa taong 2026, bilang bahagi ng layunin ng ahensya na makapagtanim ng 100 milyong puno ng niyog sa buong bansa pagsapit ng 2028.

Ayon kay PCA Regional Manager Mark Roy Macanlalay, kabilang sa Northern Luzon cluster ang Ilocos Region, Cagayan Valley, at Cordillera Administrative Region (CAR). Sa ilalim ng programa, mahigit 23,000 coconut farmers sa rehiyon ang mabibigyan ng libreng punla upang mapalakas ang produksyon ng niyog.

Kasabay nito, hinimok ni Macanlalay ang mga benepisyaryong magsasaka na maging responsable sa pangangalaga ng mga punlang kanilang matatanggap upang matiyak ang mataas na survival rate ng mga ito.

--Ads--

Batay sa pinakahuling datos ng PCA, umabot sa 69.2% ang survival rate ng mga punlang itinanim noong 2024. Sa kabuuang 399,558 na coconut seedlings na naitanim sa Northern Luzon noong nakaraang taon, mahigit 276,000 ang matagumpay na nabuhay.

Gayunman, sinabi ni Macanlalay na nananatiling hamon sa pagpapalaki ng mga punla ang matinding init ng panahon, bukod sa tagtuyot, bagyo, malalayang alagang hayop, at grassfire.

Dahil dito, inaatasan ng PCA ang mga magsasaka na magtanim sa mga lugar na may malapit na mapagkukunan ng tubig upang mapadali ang pagdidilig, habang hinihikayat din silang bantayang mabuti ang kanilang mga alagang hayop at maiwasan ang mga sunog sa damuhan.

Malaki ang ambag ng industriya ng niyog sa ekonomiya ng bansa, na nagkakahalaga ng humigit-kumulang USD3 bilyon kada taon sa agricultural exports. Ginagamit ang niyog bilang pangunahing sangkap sa iba’t ibang produkto tulad ng virgin coconut oil, cooking oil, at iba pang produktong pang-agrikultura.