DAGUPAN CITY- Patuloy na ikinababahala ng mga Pilipino sa Irsael ang tumutinding girian ng Israel at Iran.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Lovella Peronilla, Bombo International News Correspondent sa Israel, kinumpirma niyang patuloy pa rin ang tensyon at pag-atake sa nasabing bansa.
Aniya, kadalasan ay tuwing madaling araw isinasagawa ang pag-atake ng Iran sa iba’t ibang bahagi ng Israel.
Bagama’t may mga lugar na bahagyang ligtas, may mga rehiyon na patuloy ang nararanasang pambobomba.
Isa sa mga mahigpit na hakbang ng gobyerno ng Israel ay ang mas pinaigting na sistema ng notification alarms upang agad na maabisuhan ang mga mamamayan sa oras ng pag-atake.
Gayunman, nakababahala umano ang timing ng mga pag-atake dahil kadalasan ay nagaganap ito sa mga alanganing oras ng gabi kung saan kinakailangang bumangon ang mga tao upang tumungo sa pinakamalapit na bomb shelter para sa kanilang kaligtasan.
Dagdag pa rito, may ilang overseas Filipino workers (OFWs) na umano’y nagpapahayag ng kagustuhang makauwi na sa Pilipinas dahil sa patuloy na banta sa kanilang seguridad.