Dagupan City – Tatalima at mahigpit na ipatutupad ng Pangasinan Police Provincial Office (PPO) ang direktiba ni PNP Chief PGen Nicolas Torre III hinggil sa physical fitness ng mga pulis upang hindi matanggal sa serbisyo.

Matatandaan na nagbaba ng direktiba ang PNP Chief na maaring maalis sa serbisyo ang mga pulis na may malaki ang tyan at timbang dahil nakakasagabal ito sa kanilang trabaho lalo na sa mabilisang responde.

Kapag kasi umabot sa anim hanggang isang taon na hindi nakasunod sa utos na magbawas ng timbang ay sisiguraduhin nitong maalis sa serbisyo ang pulis mula patrolman hanggang heneral.

--Ads--

Ayon kay Pcapt. Aileen Catugas ang Public Information Officer ng nasabing opisina na nagpapatunay ng pagiging seryoso ng opisyal na mapabuti ang imahe ng pulis lalo na sa kanilang pisikal na pangangatawan at pagiginh handa sa anumang bagay.

Paliwanag ni Catugas, ang direktiba ay nakapaloob sa isa sa tatlong pangunahing haligi sa pamumuno ni PGen Torre gaya ng agarang at responsableng serbisyo publiko dahil nananiwala kasi ito na ang labis na timbang ay maaaring makaapekto sa kakayahan ng mga pulis na mabilis na tumugon sa mga sitwasyon.

Batay sa Republic Act No. 6975 na naamyendahan ng RA 8551 na kilala bilang Departament of Interior and Local Government Act of 1990 na kailangang mapanatili ng mga pulis ang kanilang timbang, na hindi lalagpas sa 5 kilo mula sa ideal weight batay sa taas, edad at kasarian.

Dahil dito, mas bibigyan nila ng pansin ang masusing pagsubaybay sa Body mass index ng mga pulis, kasama ang mga training programs at health and wellness initiatives.

Dagdag pa nito na, mayroon namang kumpletong fitness gym sa PPO headquarters na magagamit ng mga pulis.

Samantala, muling binigyang-diin ng PPO ang kahalagahan ng disiplina at pagsunod sa mga alituntunin para sa lahat ng mga tauhan.

Inaasahan nilang masusunod ito upang mapabuti pa ang serbisyo at proteksyon sa mga mamamayan ng Pangasinan.