Pormal nang nakipagkasundo ang Pamahalaang Panlalawigan ng Pangasinan sa United Nations Development Programme o UNDP para palakasin ang kahandaan ng lalawigan laban sa epekto ng climate change at mga sakuna.
Nilagdaan ang Memorandum of Understanding noong Marso 31 sa Urduja House sa ilalim ng SHIELD Programme o Strengthening Institutions and Empowering Localities Against Disasters and Climate Change.
Ayon kay Pangasinan Governor Ramon V. Guico III, handa ang lalawigan na makipagtulungan at sumunod sa mga alituntunin ng programa upang mas mapalakas ang disaster preparedness at climate adaptation ng Pangasinan.
Sa ilalim ng SHIELD Programme, magkakaroon ng access ang lalawigan sa makabagong teknolohiya tulad ng climate risk maps, resilience scorecards, early warning systems, at drone technology para sa mas mabilis na pagtugon sa sakuna.
Kabilang din sa itatatag ang Pangasinan Digital Resilience Hub na magsisilbing sentro ng datos, polisiya, at mga oportunidad sa pondo para sa mga lokal na pamahalaan.
Dumalo sa ceremonial signing sina UNDP Resident Representative Christophe Bahuet, Australian Embassy Counsellor Peter Adams, Vice Governor Mark Lambino, at DILG Regional Director Jonathan Paul M. Leusen Jr..
Ito ang itinuturing na malaking hakbang upang mas maprotektahan ang mga komunidad sa Pangasinan laban sa lumalalang epekto ng climate change.
Mas mababawasan ang epekto ng kalamidad sa agrikultura, pangingisda, at negosyo—na mahalaga sa ekonomiya ng Pangasinan.
Ayon pa sa Gobernador, ang paggamit ng science-based planning ay magpapataas ng kalidad ng pamamahala at magbibigay ng pangmatagalang solusyon sa climate change.
Sa kabuuan, ang programang ito ay magreresulta sa isang mas ligtas, mas handa, at mas matatag na Pangasinan laban sa mga hamon ng kalikasan.










