Posibleng madagdagan pa ang mga ituturing na “persons of interest” sa Senado kaugnay ng umano’y pagtakas ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa matapos itong mawala sa Senate premises habang kinakaharap ang usapin ng warrant of arrest mula sa International Criminal Court (ICC).

Ito ang ibinahagi ni Atty. Race Del Rosario, isang legal expert, kung saan tinalakay niya ang posibleng pananagutan ng ilang opisyal at senador kaugnay ng insidente.

Ayon kay Del Rosario, kabilang sa maaaring kuwestiyunin ng mga awtoridad si Senate President Alan Peter Cayetano dahil siya umano ang nangakong ilalagay sa “protective custody” si Dela Rosa habang nasa Senado.

--Ads--

Ipinaliwanag ng abogado na ang protective custody ay hindi nangangahulugang proteksyon laban sa pag-aresto, kundi pansamantalang pangangalaga lamang habang handang isuko ang isang tao kapag kinakailangan ng mga awtoridad.

Bukod kay Cayetano, binanggit din ni Del Rosario ang pangalan ni Senate Sergeant-at-Arms Mau Aplasca bilang kabilang sa mga posibleng kuwestiyunin ng National Bureau of Investigation (NBI).

Sinabi rin niyang maaari ring maisama bilang persons of interest ang iba pang senador na naroon sa Senado noong mangyari ang insidente, kabilang si Senador Jinggoy Estrada, matapos umanong lumabas sa ilang video na pinatitigil nito ang paglalabas ng CCTV footage sa publiko.

Ayon pa kay Del Rosario, mahalagang maimbestigahan si Senador Robin Padilla dahil siya umano ang huling nakitang kasama ni Dela Rosa bago ito umalis ng Senate premises.

Pagbabahagi niya, kung mapatutunayang pinayagang makaalis si Dela Rosa kahit nasa ilalim umano ng protective custody, maaari itong maging batayan para sa kasong obstruction of justice sa ilalim ng Presidential Decree 1829.

Kaugnay nito, sinabi rin niyang walang sapat na dahilan para hindi tanggapin ng Senado ang subpoena at request ng NBI para sa CCTV footage at iba pang dokumento kaugnay ng insidente.

Para kay Del Rosario, maituturing nang “fugitive of the law” si Dela Rosa kung sadyang umiiwas ito sa pagpapatupad ng warrant of arrest mula sa ICC.

Bagama’t may mga kumukuwestiyon umano sa bisa ng warrant dahil hindi ito inilabas ng korte sa Pilipinas, sinabi ng abogado na kinikilala ng Konstitusyon ang international law bilang bahagi ng batas ng bansa.

Binanggit din niya ang Republic Act 9851 na nagbibigay kapangyarihan sa gobyerno na isuko o i-extradite ang isang taong wanted ng international tribunal o court.