Kinumpirma ng mga awtoridad ang pagkasawi ng ikalawang Pilipino sa Israel kasunod ng nagpapatuloy na kaguluhan at sunod-sunod na pag-atake ng missile sa ilang bahagi ng bansa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Kristine Soriano, Bombo International News Correspondent sa Israel, ibinahagi nito ang detalye ng insidente na naganap sa lungsod ng Haifa.
Ayon kay Soriano, ang biktima ay nasawi matapos ma-trap sa loob ng isang gusali na gumuho dulot ng tama ng missile.
Hindi umano direktang tinamaan ang kanilang unit, ngunit bumagsak ang buong istruktura na naging sanhi ng kanilang pagkakaipit.
Nabatid na kasama ng biktima ang kanyang asawang Israeli at mga biyenan sa loob ng bahay nang mangyari ang insidente.
Apat silang nasa loob ng gusali at pawang nasawi matapos ang halos 18 oras na search and retrieval operation ng mga rescuer.
Ani Soriano, ang biktima ay orihinal na naninirahan sa Tel Aviv ngunit nagtungo sa Haifa kasama ang kanyang pamilya.
Siya ay asawa ng isang Israeli citizen at hindi kabilang sa hanay ng mga overseas Filipino workers tulad ng caregivers o hotel staff.
Sa kasalukuyan, inaasikaso na ng embahada ng Pilipinas ang repatriation ng labi ng biktima, na inaasahang iuuwi sa Pilipinas, partikular sa Lanao kung saan nagmula ang kanyang pamilya.
Samantala, inilarawan ni Soriano ang patuloy na panganib sa iba’t ibang bahagi ng Israel, kabilang ang Jerusalem at iba pang lungsod.
Aniya, pabago-bago ang sitwasyon may mga oras na tahimik, ngunit bigla ring may mga sunod-sunod na missile attacks.










