Dagupan City – Iniimbestigahan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Pangasinan at ng Pangasinan Police Provincial Office (PPO) ang umano’y organisadong serye ng online bomb threats matapos ang magkakasunod na insidente sa ilang bayan sa lalawigan.
Ayon sa Pangasinan PPO, umabot na sa tatlo ang naitalang kaso ng online threats na tumutukoy sa ilang paaralan sa iba’t ibang bahagi ng Pangasinan ngayong buwan ng Hulyo.
Samantala, dalawa pang magkahiwalay na insidente ang kasalukuyang sumasailalim sa beripikasyon ng kapulisan.
Mabilis namang natukoy na isang menor de edad na pinaniniwalaang sangkot sa naturang online threat.
Samantala, sinabi ni Pangasinan Vice Governor Mark Ronald Lambino na may indikasyong ang magkakasunod na insidente ay maaaring bahagi ng isang organisadong pagpapakalat ng online bomb threats na tumatarget sa mga unibersidad, kolehiyo, at iba pang institusyong pang-edukasyon.
Aniya, nararapat lamang itong masusing imbestigahan upang matukoy ang lawak ng insidente at ang mga posibleng nasa likod nito.
Binigyang-diin din ni Lambino na hindi kinukunsinti ng pamahalaang panlalawigan ang ganitong uri ng pananakot. Ayon sa kanya, bagama’t may mga kahalintulad na insidente ring naitala sa ibang lokal na pamahalaan, hindi dapat manaig ang takot sa publiko.
Nanawagan naman ang bise gobernador sa mga mamamayan na maging mapanuri at responsable sa paggamit ng social media. Hinikayat din niya ang publiko na agad iulat sa mga kinauukulan ang anumang kahina-hinalang impormasyon o online threat upang maiwasan ang pagkalat ng maling impormasyon at mapanatili ang seguridad sa mga paaralan at komunidad.
Patuloy ang koordinasyon ng Pamahalaang Panlalawigan at ng Pangasinan PPO sa iba pang ahensya upang matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral, guro, at mamamayan sa buong lalawigan.










