Dagupan City – Mahigit 600 naghahanap ng trabaho ang nakiisa sa Job Fair Caravan na isinagawa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Pangasinan sa pamamagitan ng Pangasinan Provincial Employment Services Office sa Urdaneta City.
Layunin ng programa na mailapit ang iba’t ibang oportunidad sa trabaho sa mga Pangasinense at mabigyan sila ng pagkakataong makahanap ng angkop na hanapbuhay.
Sa isinagawang job fair, 26 na aplikante ang agad na natanggap o hired on the spot mula sa 22 lokal na kumpanya at tatlong recruitment agencies na nakibahagi sa aktibidad.
Nagkaroon din ng pagkakataon ang iba pang mga jobseeker na magsumite ng kanilang aplikasyon at dumaan sa panayam para sa iba pang bakanteng posisyon.
Bahagi ang Job Fair Caravan ng patuloy na inisyatiba ng Pamahalaang Panlalawigan sa ilalim ng pamumuno ni Governor Ramon V. Guico III upang mapalawak ang oportunidad sa trabaho, mabawasan ang kawalan ng hanapbuhay, at masuportahan ang kabuhayan ng bawat Pangasinense.










