Inaasahang sisimulan ngayong buwan ng Hulyo ang pagtatayo ng kauna-unahang Animal Bite Center sa bayan ng Manaoag na magbibigay ng libreng serbisyo sa mga biktima ng kagat ng aso at iba pang hayop.
Ayon kay Manaoag Mayor Jeremy “Doc Ming” Rosario, matagal nang layunin ng lokal na pamahalaan ang pagkakaroon ng sariling Animal Bite Center dahil sa patuloy na naitatalang kaso ng animal bites sa bayan sa kabila ng patuloy na kampanya para sa responsableng pag-aalaga ng mga alagang hayop.
Sinabi ng alkalde na naisakatuparan ang proyekto sa tulong ng Department of Health (DOH) at sa pagsisikap ng Rural Health Unit (RHU) ng Manaoag.
Makikipagtulungan din aniya ang Animal Bite Center sa Manaoag Community Hospital upang mapalawak ang serbisyong medikal para sa mga pasyente.
Kasabay ng proyektong ito, patuloy ring pinaiigting ng Municipal Agriculture Office ang kampanya laban sa rabies sa pamamagitan ng libreng pagbabakuna sa mga aso sa iba’t ibang barangay bilang bahagi ng hakbang sa pag-iwas sa pagkalat ng sakit.
Binigyang-diin ni Rosario na mas mahalaga pa rin ang pag-iwas kaysa gamutan, kaya patuloy ang kampanya ng pamahalaang bayan para sa responsableng pet ownership at regular na pagpapabakuna sa mga alagang hayop.
Ibinahagi rin ng alkalde na nagsagawa ng benchmarking ang mga kinauukulang opisyal ng Manaoag sa Animal Bite Center ng Santo Tomas, Pangasinan upang pag-aralan ang sistema ng operasyon nito at magamit bilang modelo sa itatayong pasilidad sa bayan.
Nasa huling yugto na rin ng pagpaplano ang proyekto at mayroon nang nakalaang pondo para sa pagtatayo ng maliit na gusali na magsisilbing Animal Bite Center.
Itatayo ito sa tabi ng Super Rural Health Unit (Super RHU) ng Manaoag, na nasa final stages na rin ng pagbubukas.
Inaasahang magsisimula ang operasyon ng Animal Bite Center sa kalagitnaan ng taon o bahagyang lampas ng Hulyo matapos makumpleto ang pasilidad.
Tiniyak naman ni Mayor Rosario na magiging libre ang serbisyo ng Animal Bite Center para sa lahat ng residente ng
Manaoag.
Nanawagan din ang alkalde sa publiko na maging responsableng pet owners sa pamamagitan ng tamang pag-aalaga at regular na pagpapabakuna sa kanilang mga alagang hayop upang makatulong sa layuning mapigilan at tuluyang mabawasan ang mga kaso ng rabies sa bayan.










