Pormal nang idineklara ni Ferdinand R. Marcos Jr. ang state of national energy emergency sa buong bansa bilang tugon sa lumalalang tensyon at sigalot sa Middle East na maaaring makaapekto sa suplay ng enerhiya ng Pilipinas.
Batay sa Executive Order No. 110 na inilabas ngayong ika-24 ng Marso 2026, layunin ng hakbang na ito na maagapan at mabawasan ang posibleng krisis sa enerhiya na dulot ng hindi tiyak na sitwasyon sa pandaigdigang merkado ng langis.
Ayon sa pamahalaan, mahalagang kumilos agad upang mapanatili ang katatagan at sapat na suplay ng kuryente at produktong petrolyo sa bansa, lalo na’t umaasa ang Pilipinas sa inaangkat na langis mula sa ibang bansa.
Binigyang-diin sa kautusan na ang anumang pagkagambala sa suplay mula sa Middle East ay maaaring magdulot ng pagtaas ng presyo ng langis at kakulangan sa suplay.
Nauna nang nagbabala ang Department of Energy (DOE) tungkol sa kritikal na sitwasyon matapos nitong matukoy ang posibleng epekto ng geopolitical tensions sa rehiyon.
Ayon sa ahensya, kinakailangang magpatupad ng agarang hakbang upang matiyak ang energy security ng bansa.










