Dagupan City – Nilinaw ng isang Constitutional Law expert na ang paggamit ng terminong “disloyalty” kaugnay kay Senator Rodante Marcoleta ay maaaring ituring na isang figure of speech at hindi agarang nangangahulugan ng pormal na reklamong kriminal.
Ayon kay Atty. Joseph Emmanuel Cera ang mga naging sentimyento umano si Marcoleta na pumapabor sa pagsuko o hindi paggiit sa ilang teritoryo ng Pilipinas sa West Philippine Sea ay mali.
Sa ilalim ng 1987 Constitution, ang pagtataksil o treason ay isang mabigat na krimen na maaari lamang isampa sa panahon ng digmaan at kung mapapatunayang tumulong ang isang Pilipino sa kaaway ng bansa.
Sa kasalukuyan, wala namang idineklarang digmaan ang Pilipinas laban sa China.
Binigyang-diin din ni Cera na maraming paraan upang ipaglaban ang soberanya ng bansa nang hindi dumaraan sa giyera.
Noong 2016, naglabas ng desisyon ang Permanent Court of Arbitration sa The Hague na pumabor sa Pilipinas at nagsabing walang legal na basehan ang “nine-dash line” claim ng China sa South China Sea.
Gayunman, patuloy ang tensyon sa West Philippine Sea, kabilang ang mga insidente sa pagitan ng Chinese Coast Guard at Philippine Coast Guard sa mga lugar tulad ng Ayungin Shoal at Scarborough Shoal.
Dagdag pa ni Cera, mahalagang mapanatili ng Pilipinas ang kontrol sa mga pangunahing daanan ng kalakalan sa Southeast Asia.
Pinunto rin niya na dapat isaalang-alang ang diplomatic at economic relations ng bansa sa China, na isa sa pinakamalaking trading partners ng Pilipinas. Aniya, maaaring maapektuhan ang economic exchanges sakaling lumala ang tensyon.










