DAGUPAN CITY- Magiging mahaba pa ang pagdadaanang proseso ng impeachment laban kay Vice President Sara Duterte at marami pa ang maaaring mangyaring pagbabago.
Ayon kay Atty. Francis Abril, legal expert at political analyst, sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, isang katlo sa kabuoang komposisyon ng mga miyembro ng Kamara de Representantes ang kinakailangang boto upang maiakyat na sa senado ang impeachment articles laban kay VP Sara Duterte.
At kung mai-transmit na ng senado ang impeachment article, magbabago ang aniyo ng kapulungang tagapagbatas at magiging impeachment court na ito.
Ito ay may susundang sariling mga tuntunin at mga patakaran at mag-iiba na rin ang takbo ng laban.
Obligasyon naman ng Kamara na magpadala ng kanilang delegasyon ng mga prosecutor upang patunayan ang kanilang ibinibintang laban sa bise presidente.
Gayunpaman, kung usapang hurisdiksyon, inaasahan pa na may itatagal pa ang proseso ng nasabing impeachment.
Bunsod na rin ito sa plano ng senado na isailalim muna ang nasabing impeachment sa pre-trial at pagharang na rin ng mga malapit na kaalyado ng bise presidente sa senado.
Dagdag pa ni Abril, marami pa ang maaring mangyari, tulad ng posibleng pagbaba pa ng Korte Surprema ng Temporary Restraining Order (TRO).
Ikinakatakot lamang niya na maapektuhan nito ang legislative agenda ng senado.
Kung sakaling mauwi sa impeachment, tuluyan nang mapapatalsik sa katungkulan si Duterte at permanenteng ‘disqualified’ nang humawak ng public office.










