Nagsagawa ang Provincial Government of Pangasinan ng ikalawang tree-growing activity sa Eco Park sa Barangay Cayanga, Bugallon bilang bahagi ng pagdiriwang ng National Disaster Resilience Month (NDRM) 2026.

Isinagawa ang aktibidad alinsunod sa temang Naghahanda at Kumikilos Tungo sa Panatag na Bagong Pilipinas, na naglalayong palakasin ang kamalayan at partisipasyon ng mga komunidad sa paghahanda at pag-angkop sa mga epekto ng kalamidad at pagbabago ng klima.

Lumahok sa tree-growing activity ang mga empleyado ng pamahalaang panlalawigan na nagtanim ng kabuuang 500 punla sa loob ng Eco Park. Kabilang dito ang 300 punla ng Bulong Ita, 100 punla ng Narra, at 100 punla ng Kasuy.

--Ads--

Layunin ng programa na makatulong sa pagpapanumbalik ng kalikasan sa pamamagitan ng pagpaparami ng mga puno na may mahalagang papel sa pangangalaga ng kapaligiran. Inaasahan ding makatutulong ang mga itinanim na puno sa pagpapabuti ng kalidad ng lupa, pagpigil sa pagguho ng lupa, pag-iimbak ng tubig, at pagbawas sa epekto ng matitinding kondisyon ng panahon.

Bahagi rin ang naturang gawain ng patuloy na pagpapatupad ng Provincial Government of Pangasinan ng mga programang nakatuon sa pangangalaga sa kalikasan at pagpapalakas ng kakayahan ng lalawigan sa pagharap sa mga kalamidad. Isinusulong ng pamahalaang panlalawigan ang mga hakbang na nagsasama ng environmental protection at disaster risk reduction upang higit na mapatatag ang kaligtasan at katatagan ng mga komunidad.

Sa ilalim ng pamumuno ni Governor Ramon V. Guico III, na siya ring chairman ng Pangasinan Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC), patuloy na isinasagawa ang iba’t ibang inisyatiba na naglalayong bumuo ng isang mas ligtas, mas matatag, at mas handang Pangasinan sa harap ng mga hamon na dulot ng kalamidad at pagbabago ng klima.