Nasa ilalim ng masusing pagsusuri ng House Committee on Justice ang ikatlong impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte, kasunod ng pag-withdraw ng pangalawang reklamo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Atty. Francis Abril, Legal Consultant at Political Analyst, ang desisyon ng mga mambabatas ay dapat data-driven, batay sa ebidensya, at posibleng maapektuhan ng politikal na dynamics, kabilang ang pagtakbo ni VP Sara sa 2028 presidential election.
Ayon kay Abril, kapag natapos na ang pagsusuri ng Committee on Justice at nakapasa ang reklamo sa level ng committee, ito ay ibabalik sa plenaryo ng House of Representatives para sa karagdagang deliberasyon.
Dagdag pa niya, may ilang teknikal na isyu na kailangang isaalang-alang, tulad ng one-year prohibition period.
Napuna niya na may posibilidad na lumampas na sa period na ito ang ikatlong reklamo, ngunit ang substansya ng kaso ay hiwalay na usapin.
Tinalakay rin ni Abril ang posibilidad na makaapekto sa boto ng mga miyembro ng Kamara ang pagtakbo ni VP Sara sa 2028 presidential election.
Binanggit niya na kung may malinaw na basihan ang kanilang boto, ito ay dapat itala sa record bilang reference.
Pinunto nito na mahalagang linawin ang legalidad ng mga naging aksyon at ang partisipasyon ni VP Sara sa mga isyu tulad ng anti-illegal drug campaign.
Kaugnay nito binigyang-diin ni Abril ang kahalagahan ng pagiging objective at data-driven sa pagtugon sa mga isyung ito.










