Ikinababahala ng Sentro ng mga Nagkakaisa at Progresibong Manggagawa (SENTRO) ang patuloy na umano’y paglabag sa karapatan ng mga manggagawa sa Pilipinas, kabilang ang red-tagging, harassment, at mga kaso ng pagpaslang sa mga lider-uni.
Ayon kay Josua Mata, Secretary General ng SENTRO, sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan, nagpadala ang International Labour Organization (ILO) ng high-level tripartite mission sa bansa upang imbestigahan ang sitwasyon ng mga manggagawa at tukuyin ang mga hakbang upang matigil ang mga ulat ng karahasan at pananakot.
Binanggit din niya na sa nakaraang administrasyong Duterte, umabot sa 68 lider-manggagawa ang napaulat na pinaslang dahil sa kanilang partisipasyon sa mga rally at organisasyon, ngunit wala umanong nakamit na hustisya ang mga biktima.
Dagdag pa ni Mata, may ilang rekomendasyon na mula sa ILO na naipatupad ng pamahalaan, subalit marami pa rin sa mga ito ang hindi pa ganap na natutupad, kabilang ang pagbibigay ng hustisya sa mga biktima ng paglabag sa karapatang paggawa.








