Sinang-ayunan ng Sentro ng mga Nagkakaisa at Progresibong Manggagawa (SENTRO) ang isinusulong na panukalang batas ni Senador Erwin Tulfo na magpapatupad ng “no work, no pay” policy para sa matataas na opisyal ng gobyerno na lumiliban sa trabaho nang walang sapat o wastong dahilan.
Ayon kay Josua Mata, Secretary General, Sentro ng mga Nagkakaisa at Progresibong Manggagawa (SENTRO), sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan, ang mga opisyal na may hindi awtorisadong pagliban ay hindi lamang mawawalan ng suweldo para sa mga araw na hindi sila pumasok sa trabaho, kundi mawawalan din ng karapatan sa mga allowance at iba pang benepisyo habang habang hindi sila tumutupad sa kanilang tungkulin.
Kasabay nito, hinamon ni Mata ang bagong liderato ng Senado na huwag nang bayaran si Senador Ronald “Bato” dela Rosa, na aniya ay tumatanggap ng tinatayang ₱300,000 kada buwan na sahod.
Giit niya, hindi dapat pinoprotektahan ang isang halal na opisyal na umano’y umiiwas sa kanyang mga responsibilidad habang patuloy na tumatanggap ng pondo mula sa taumbayan.
Dagdag pa niya, marapat lamang na ibalik ang mga sahod na natanggap kung hindi rin naman ginagampanan ang tungkulin.
Sa kanyang obserbasyon, marami umanong mga kongresista at senador ang nagpapakita lamang sa unang bahagi ng mga sesyon ngunit hindi na dumadalo sa mga susunod na pagdinig, subalit patuloy pa ring tumatanggap ng suweldo at benepisyo mula sa gobyerno.










