DAGUPAN CITY—Mariing binatikos ni Josua Mata, Secretary General ng Sentro ng mga Nagkakaisa at Progresibong Manggagawa, ang mabagal at aniya’y huling-huli nang tugon ng pamahalaan sa patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo at bilihin, iginiit na kulang sa malinaw na plano ang gobyerno sa pagharap sa krisis.

Ayon kay Mata, sa halip na makatulong, ipinapasa umano ng ilang kumpanya sa mga manggagawa ang bigat ng krisis, habang may mga ulat ng retrenchment at hiring freeze sa ibang sektor.

Mas lalo umanong lumalala ang sitwasyon dahil maraming manggagawa ang napipilitang magtrabaho nang mas mahaba upang mapanatili ang kanilang kita, habang ang iba naman ay nababawasan ng oras o trabaho.

--Ads--

Binigyang-diin ni Mata na hindi sapat ang ayuda lamang at kailangan ng mas malawak at konkretong plano upang malampasan ang krisis, ngunit aniya’y kapansin-pansin ang kakulangan ng ganitong hakbang mula sa pamahalaan.

Nanawagan ang labor group ng isang summit na magtitipon sa lahat ng stakeholders upang makabuo ng isang “whole-of-nation approach,” na matagal na umanong hinihiling ngunit hindi pa rin tinutugunan.

Ipinunto rin niya na maraming mahahalagang reporma ang hindi umuusad, dahil umano sa pag-iwas na maapektuhan ang malalaking negosyante.

Kaugnay nito, sinabi ni Mata na tila malabo ang pag-apruba ng wage increase bago ang Labor Day, matapos ipahiwatig ng mga opisyal ng Department of Labor and Employment na hindi dapat umasa ang mga manggagawa sa agarang dagdag-sahod.

Sa huli, iginiit ni Mata na “walang pakialam ang Malacañang” sa kalagayan ng mga manggagawa, kasabay ng panawagan sa sektor ng paggawa na magkaisa at igiit ang kanilang karapatan sa gitna ng krisis.