Binigyang-diin ng grupong Sentro ng mga nagkakaisa at progresibong manggagawa o SENTRO na wala umanong direktang pakinabang ang ASEAN Summit sa ekonomiya ng bansa at sektor ng paggawa sa kabila ng malaking pondong inilaan ng pamahalaan para sa pagdaraos nito.
Ayon kay Sentro Secretary General Joshua Mata, hindi umano binibigyang linaw ng pamahalaan sa publiko ang mga benepisyong maaaring makuha ng bansa mula sa nasabing pagtitipon gayundin ang mga kasunduang tinatalakay rito tulad na lamang ng Digital Economic Framework Agreement (DEFA) kung saan aniya ay maaaring mas makinabang pa ang malalaking kompanya ng teknolohiya sa bansa.
Kwinestyon din ni Mata ang malawakang pagkaantala sa kabuhayan ng mga apektadong manggagawa dahil sa pagsasara ng mga kalsada at suspensyon ng trabaho kaugnay ng summit.
Patuloy namang nananawagan ang kanilang samahan sa malinaw na datos mula sa Department of Labor and Employment (DOLE) hinggil sa kabuuang bilang ng mga manggagawang naapektuhan.
Giit ni Mata na dapat tiyakin ng pamahalaan ang pagkakaloob ng garantisadong suporta at hakbang para sa mga nawalang kita at kabuhayan ng mga apektadong manggagawa.










