BOMBO DAGUPAN – Hindi pa natutukoy ng otoridad ang pagkakakilanlan ng mga suspek sa pagpaslang sa isang ginang sa lungsod ng San Carlos, kung saan ay walang awang pinagbabaril ng tatlong beses ang biktima na nasaksihan pa mismo ng dalawang anak nito.

Ayon kay Dionel Evangelio, Barangay Captain Brgy. Bolosan, San Carlos City sa naging panayam sa kanya ng Bombo Radyo Dagupan ay may narinig silang putok ng baril ngunit hindi agad ito pinansin hanggang makalipas ang tatlong-minuto ay may lumapit sa barangay at nag-report sa pangyayari.

Agad naman siyang nag-utos ng mga kasama upang marespondehan ang insidente, kung saan ay nakita niya mismo ang nangyari matapos ang pamamaslang sa biktima at ibinahagi niya rin sa naging panayam sa kanya ang pagkakakilanlan nito at aniya ay wala naman daw siyang nababalitaang kaaway o kaalitan ng biktima.

--Ads--

Samantala, ito na ang pangalawang pagkakataon na may nangyaring ganitong insidente sa kanyang administrasyon subalit ang kaibahan ngalang ay natukoy ang suspek sa unang insidente.

Ayon naman sa mga kapitbahay ng biktima ay mabait at masipag na tao daw ito kaya’t masakit sa kanilang kalooban kanyang sinapit.

Sa kasalukuyan ay blanko pa ang imbestigasyon dahil hindi malinaw ang kuha ng CCTV sa pinangyarihan ng insidente.