Mahalaga ang pagdalo ng panig ni VP Sara Duterte sa mga pagdinig upang maipagtanggol ang sarili.
Yan ang ipinaliwanag ni Atty. Francis Dominick Abril, Legal and Political Consultant bagamat tinanggihan ng Korte Suprema ang hiling na Temporary Restraining Order (TRO) ng Bise, kaugnay ng kinakaharap nitong usaping legal sa House of Representatives of the Philippines.
Ayon kay Abril, ang TRO ay isang agarang remedyo na ibinibigay lamang kung may malinaw na banta ng “irreparable injury” o pinsalang hindi na maibabalik. Gayunman, sa pagsusuri umano ng Korte Suprema, nabigo ang kampo ni Duterte na patunayan ang ganitong antas ng panganib.
Dahil sa kawalan ng TRO, tuloy ang nakatakdang pagdinig ng komite sa Kamara. Sa kasalukuyan, nasa yugto pa lamang umano ng preliminary investigation ang proseso, kung saan sinusuri pa ang sapat na batayan ng reklamo.
Subalit aniya, ang hindi pagharap ay maaaring magresulta sa pagkawala ng pagkakataong makapagtanong o makapaglinaw sa mga testigong maghahain ng ebidensya laban sa kanya.
Bagamat nabigo sa TRO, maaari pa umanong gumamit ng ibang legal na taktika ang kampo ni Duterte, kabilang ang pagkuwestiyon sa admissibility ng mga dokumento o ebidensyang ilalahad sa mga pagdinig.
Gayunpaman, sa ngayon, binigyang-diin ni Abril na magpapatuloy ang proseso hangga’t walang kautusang nagpipigil dito.
Samantala, tinalakay rin ni Abril ang kamakailang pagkakatalaga kay Sebastian Duterte bilang pangulo ng PDP–Laban. Ayon sa kanya, maaaring layunin nitong ipakita ang pagkakaisa at patuloy na lakas ng partido sa gitna ng mga isyung kinakaharap ng pamilya Duterte.
Ngunit iginiit niyang hindi nito direktang sinasagot ang mga pangunahing usaping legal, kabilang ang mga paratang laban kay Vice President Duterte.










