Dagupan City – Mahigpit na sinunod ng mga residente at mga bumisita sa bayan ng Bayambang ang ipinatutupad na Executive Order na nagbabawal sa pagligo, paglangoy, at anumang recreational activities sa Agno River ngayong Semana Santa, bilang tugon sa mga naunang insidente ng pagkalunod.
Ayon kay Dr. Rafael L. Saygo, Supervising Tourism Officer ng LGU Bayambang, layunin ng naturang kautusan na maiwasan ang kapahamakan at mapanatili ang kaligtasan ng publiko sa kasagsagan ng Mahal na Araw.
Bago pa man ang Semana Santa, nagkaroon na umano ng koordinasyon ang mga barangay, MDRRMO, at PNP upang ipatupad ang pagbabawal, kabilang ang regular na pag-iikot sa mga lugar na dinarayo ng mga naliligo.
Aniya na may ilang indibidwal na nasita sa simula, ngunit kalaunan ay sumunod din matapos maipaliwanag ang panganib dulot ng mga nakaraang insidente.
Sa pinakahuling tala, wala pang naitatalang untoward incident na may kaugnayan sa Semana Santa sa mga simbahan, ilog, at iba pang pasyalan, batay sa ulat ng MDRRMO, PNP, at RHU.
Samantala, patuloy ang pakikipag-ugnayan ng tourism department sa mga resort at establisimyento na nananatiling bukas, bagama’t inaasahan na ng mga maliliit na negosyante ang mas mababang bilang ng mga bumibisita bunsod ng ipinatutupad na mga paghihigpit para sa kaligtasan ng lahat.










