Galit at dismayado ang mga manggagawa matapos tuluyang ibasura ng 19th Congress ang panukalang P200 legislated wage increase ito ay sa gitna ng tumataas na presyo ng bilihin at cost of living sa bansa.

Ayon kay Jerome Adonis Secretary General ng Kilusang Mayo Uno sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan sakanya napakaliit lamang ng hinihiling na dagdag sahod kumpara sa totoong pangangailangan ng mga manggagawa subalit pinatay pa ito.

Malinaw aniya na pagpapakita ng kawalan ng malasakit sa mga manggagawa at pabor sa interes ng malalaking negosyo ang Pangulo na siyang pangunahing naglabas ng pahayag hinggil dito.

--Ads--

Bagaman hindi pa naipapadala sa Malacañang ang opisyal na transmittal ng panukala mula sa Kongreso, agad nang naglabas ng posisyon ang Office of the President, na tila nagpapakita ng pagtutol sa dagdag sahod, lalo na kung ito ay manggagaling sa lehislatura.

Binatikos rin niya si Senador Chiz Escudero,dahil umano sa “pagsunod” sa kumpas ng Malacañang at hindi man lang nagkaroon ng delikadesa na hayaan ang Senado na magpasya nang malaya.

Bagama’t may panahon pa sana para sa bicameral conference committee na dapat sanang tumalakay sa wage hike proposal, tila ginamit ito bilang dahilan upang hindi na ituloy ang proseso.

Ayon sa mga labor groups, nagtuturuan ang mga opisyal ngunit malinaw sa kanila na walang sinseridad ang Kongreso na itulak ang dagdag sahod.

Gayunpaman, tiniyak ng mga labor group na hindi pa rito nagtatapos ang laban.

Determinado silang muling maghain ng panibagong panukalang dagdag sahod sa 20th Congress, kung saan isusulong nila ang P1,200 wage increase na higit na tumutugon sa tunay na pangangailangan ng mga manggagawa.

Sa ngayon ay plano nilang magsagawa ng serye ng mga protesta at konsultasyon sa mga grupo sa pagpasok ng bagong Kongreso upang matiyak na muling maisusulong ang laban para sa makatarungang sahod.