Patuloy na hihigpitan at ipatutupad ng Barangay Herrero-Perez sa lungsod ng Dagupan ang mga ordinansang binibigyang-prioridad ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla.
Kabilang dito ang pagbabawal sa paglalasing sa pampublikong lugar, paglalakad ng nakatopless, at paggamit ng videoke sa lagpas alas 10 ng gabi.
Ayon kay Kapitan Generoso Gomez, ang mga patakarang ito ay hindi na bago sa kanilang barangay dahil kanila na itong tinututukan noon pa, mas binigyan lamang ng mahigpit na pagtugon.
Aniya na pinangungunahan ng barangay council, kasama ang mga pulis sa barangay (PSB) ang pagpapatupad ng mga ordinansa para sa kapakanan ng kanilang mga nasasakupan.
Binanggit nito na kapag may mga insidente na naiulat o direktang nakikita ng mga tauhan, agad itong tinutugunan para tiyakin na hindi na maulit at agad masunod ang patakaran.
Saad niya na sa kanilang barangay ay pinapayagan naman ang mga pagtitipon at kasiyahan gamit ang videoke ngunit kailangang isaalang-alang din ang mga residente na nangangailangan ng tahimik na kapaligiran lalo na ang mga estudyante na nag-aaral, mga may sakit, at mga nangangailangan ng mahimbing na pagtulog kaya mahigpit na sinusunod ang curfew na alas 10 ng gabi.
Sa ordinansa naman na bawal ang topless na naglalakad sa kalsada o nakikita sa pampublikong lugar ay mangilan-ngilan lamang ang nakikitaan ng ganitong paglabag gaya na lamang ng ilang mga boarders sa lugar dahil sa mainit na panahon ngunit kanilang kinakausap at agad naman silang sumusunod.
Tungkol naman sa paglalasing sa pampublikong lugar binibigyang-diin na ang mga ganitong gawain ay maaari lamang gawin sa loob ng sariling tahanan dahil kapag ginawa sa pampublikong lugar, maaari itong makagambala sa kaayusan at kaligtasan ng publiko, pati na rin magdulot ng hindi magandang epekto sa mga nakakakita.
Bukod sa mga paalala, handa rin ang barangay na gumawa ng mas mahigpit pang aksyon kung paulit-ulit na hindi susundin ng isang indibidwal ang mga patakaran.
Samantala, hanggat kaya ng barangay ay sinusubukan munang ipaalam sa kanila ang kanilang mga responsibilidad at bigyan ng pagkakataong magbago, ngunit kung kinakailangan, ipatutupad ang mga parusa na nakasaad sa mga ordinansa.










